Manila, Philippines – Ibinasura ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang hiling ng Department of Education (DepEd) na gawing tax free ang honoraria na matatanggap ng mga guro na magsisilbing election board sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election sa Mayo 14.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, ito ay dahil sa umiiral na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law at sa existing tax law.
Gayunpaman, naglabas ng regulation ang BIR para i-exempt sa tax ang honorariang matatanggap ng mga guro na ang annual income ay nasa P250,000 pababa.
Ibig sabihin, sa mga teachers 1 at 2 na tumatanggap ng salary grade 11 o 12 ay buo nilang matatanggap ang kanilang honorariya.
Pero kailangan muna nilang magsumite ng sworn declaration, sa mismong araw ng eleksyon, kung saan nakalagay ang kanilang salary grade at annual income na siya namang iva-validate ng mga election officers.