Manila, Philippines – Ibinasura rin ng 3rd division ng Sandiganbayan ang mosyon ni pork barrel queen Janet Lim Napoles na mailipat siya sa kustodiya ng Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).
Sa desisyon kasi ng 3rd division ng anti-graft court, hindi pinagbigyan ang hiling ni Napoles dahil sa kawalan ng merito.
Sa May 26 kasi ay matatapos na ang pagsasailalim kay Napoles sa provisional admission sa WPP.
Noong February 27, 2018 nang isailalim si Napoles sa WPP matapos siyang maghain ng affidavit ukol sa mga nalalaman niya sa pork barrel scam na kinasasangkutan ng ilang mga dating senador at kongresista.
Una rito, ibinasura ng 1st and 5th division ng Sandiganbayan ang motion for transfer ni Napoles mula sa BJMP tungo sa WPP-DOJ.
Sabi ni Napoles, ang hiling niya ay dahil sa naranasan niya umanong harassment at intimidation habang nasa kustodiya ng BJMP.
Si Napoles ay nananatiling naka-detine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.