Manila, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals noong Abril na pagkatig sa naging pasya ng Makati Regional Trial Court.
Enero noong nakaraang taon, binasura ng Makati RTC branch 65 ang reklamo ng Ayala Land na specific performance and damages laban sa Standard Insurance Company, Incorporated.
Sa minute resolution ng Supreme Court 1st division, binasura nito ang petition for review on certiorari sa ilalim ng rule 45 na inihain ng Ayala.
Ayon sa Korte Suprema, hindi maaring ma-rekober ng Ayala sa insurance company ang danyos sa ilalim ng commercial all risk collective policy.
Iginiit pa ng kataas taasang hukuman na malinaw sa nasabing polisiya na magbabayad ng danyos ang insurance company sa Ayala sa accidental physical destruction maliban na lang kung ang pagkasira o pagkagiba ng ari-arian ay dulot ng tinawag na excluded risk tulad ng polusyon, digmaan, pananakop, kagagawan ng banyagang kaaway, mala-digmaang operasyon, mutiny, at terorismo.
Ayon pa sa Korte, mismong ang Ayala Land ang naglabas ng pahayag noon na ang pagsabog noong oct. 19,2007 ay dulot ng explosive device na pasok sa terroristic act.
Lumabas naman sa resulta ng pagsisiyasat ng multi-agency task force ang pagsabog sa Glorietta 2 noon ay dulot ng naipong methane gas at diesel vapor sa basement ng mall na pasok din sa kategoryang polusyon na kabilang sa excluded risk sa insurance policy kaya wala ring pananagutan dito ang insurance company.