Ibinayad sa palpak na promotional video ng DOT, pinapabawi ng isang senador

Pinapabawi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang ibinayad ng Department of Tourism (DOT) sa advertising agency na nasa likod ng kontrobersyal na promotional video ng bagong tourism slogan na “Love the Philippines”.

Ayon kay Pimentel, nararapat lang na itigil na ng DOT ang kontrata sa DDB Philippines dahil sa nawalang tiwala matapos gamitin ng ad firm ang materials mula sa stock footage na hindi naman pala mga kuha sa Pilipinas.

Giit ng lider ng minorya, hindi dapat magkaroon ng financial damage ang bansa sa nangyaring kapalpakan.


Aniya, kung may naunang ibinayad na ang ahensya ay dapat lang na bawiin ito lalo na kung ito ay kaugnay sa kontrobersyal na video promotion.

Dagdag pa ni Pimentel, hindi rin dapat bayaran ng professional fee ang ad agency dahil naging unprofessional ang mga ito sa kanilang trabaho.

Inirekomenda pa ni Pimentel na sa susunod ay magpatupad ang DOT ng mas maayos na screening sa kanilang mga contractors o service providers upang maiwasan ang kahalintulad na pagkakamali.

Facebook Comments