Pinahupa ni AnaKalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang pangamba ng mga nakatanggap ng reseta ng Ivermectin sa isinagawa kaninang umaga na “Ivermectin Pan-Three” sa Quezon City.
Napansin kasi ng mga mamamahayag na pilas lang ng papel ang prescription na ibinigay sa mga benepisyaryo.
Bukod dito, walang pangalan ng doktor, wala ring license at PTR number at tanging lagda lamang ang nakalagay sa reseta.
Kumpyansa si Defensor na walang magiging isyu dito dahil iisa lang naman ang lagda ng mga doktor na kasama sa “Community Pan-Three.”
Paliwanag pa ng kongresista, kahit pirma lang ay madali namang matutukoy kung sino sa apat na doktor nila ang nagreseta.
Sakali namang magkaroon ng adverse effects ang Ivermectin sa indibidwal na uminom nito ay maaari namang ilapit sa kanila.
Dagdag ni Defensor, ang isinagawang pamamahagi ng Ivermectin ay ‘symbolic’ lamang at balak nilang magbahay-bahay sa mga susunod na mga araw.
Matatandaan naman na batay sa polisiya ng Food and Drug Administration (FDA), kailangan ng doctor’s prescription bago payagan ang isang compounding laboratory na gumawa o mag-reproduce ng gamot batay sa nakasaad sa reseta.