Ibon Foundation, duda sa report ng NEDA na bumaba ang bilang ng mga nagugutom sa bansa sa kabila ng pandemya

Duda ang non-profit institution na Ibon Foundation sa naging pahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) kaugnay sa bilang ng nagugutom sa bansa.

Sa interview ng RMN Manila kay Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, sinabi nito na kwestyonable ang pagbaba ng bilang ng nagugutom sa bansa gayong patuloy aniya ang pagbagal ng ekonomiya, marami pa rin ang nawalan ng trabaho, at wala namang ayudang ibinibigay ang gobyerno ngayong pandemya.

Ayon kay Africa, batay sa naging pahayag ng NEDA, nasa 16.4 million ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom, mababa ng walong milyon kumpara sa naitala na 24 million noong Enero ng kasalukuyang taon.


Pero giit ni Africa, kaduda-duda ang nasabing pagbaba dahil hindi naman ipinapakita ng NEDA kung saan nagmula ang kanilang mga datos.

Naniniwala ang Ibon na imbes na bumaba ay patuloy pang tataas ang bilang ng nagugutom sa bansa lalo na ngayong ipinatupad ang General Community Quarantine sa Metro Manila at karatig lalawigan.

Facebook Comments