IBP, hinikayat ang DOJ na gawing transparent sa publiko ang computation sa GCTA

Manila, Philippines – Hinimok ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang Department of Justice (DOJ) na gawing transparent o bukas sa publiko ang evaluation at computation sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng mga bilanggo.

Nakasaad sa inilabas na statement na pirmado ni IBP National President Atty. Domingo Cayosa na sana ay i-upload sa website ng DOJ at ng mga Penal Institutions ang basehan ng evaluation at computation ng pinaikling sentensya ng preso.

Gayunman ay dapat anyang maging maingat ang kinauukulan sa pag-review sa record ng mga presong inirekomendang palayain na para masigurong ang mga karapat-dapat lamang ang mapapalaya.


Kaugnay nito ay iminungkahi ng IBP na dapat tukuyin o patibayin ang mga alituntunin sa implementasyon ng Republic Act 10592 o kaya naman ay amyendahan ang batas patungkol sa GCTA.

Aminado naman ang IBP na mainam at mabuti ang layunin ng RA 10592 para mareporma ang mga bilanggo bago palayain at ma-decongest o mapaluwag ang siksikan sa mga kulungan.

Facebook Comments