Hinimok ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na maging bukas sa mga suhestyon ni Vice President Leni Robredo.
Paliwanag ni Cayetano, si VP Robredo bilang Co-Chairman ng ICAD ay dapat ring pakinggan dahil may kapangyarihan itong magrekomenda ng solusyon at magbigay mg guidance para masawata ang iligal na droga sa bansa.
Aniya, sana ay maging bukas ang isipan ng ICAD sa mga ideya ng Bise Presidente at hinikayat din ang dalawang kampo na magtulungan.
Hinamon din ni Cayetano si Robredo na maglatag na ng kanyang mga plano at programa sa ICAD upang maging klaro din sa lahat ng mga miyembro kung ano ang plano niya para malabanan ang iligal na droga sa bansa.
Hangad ni Cayetano na marami pang matututunan si VP Robredo sa problema sa iligal na droga sa bansa at makapag-ambag ng mga posibleng solusyon para sa anti-drug campaign ng pamahalaan.