ICC case laban kay Pangulong Duterte, hindi isang black propaganda – ayon kay Senator De Lima

Manila, Philippines – Pinalagan ni Senator Leila De Lima ang alegasyon na ang kasong isinampa sa International Criminal Court o ICC ay bahagi ng black propaganda para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit ni De Lima, yaon ay isang pormal na reklamo sa ICC dahil ikinakaalaram na ngayon ng mga Pilipino ang patuloy na mga kaso ng pagpatay sa buong bansa.

Hakbang aniya ito para pagbayarin ang mga halal na opisyal ng pamahalaan sa karima-rimarim na krimeng nasasaksihan ng mamamayang Pilipno at ng buong mundo.


Kung tutuusin ayon kay De Lima, hindi na niya ikinagulat ang pagsasampa ng kaso laban kay Pangulong Duterte at 11 pang senior government officials dahil sa pagkakasangkot nila sa crime against humanity.

Binigyang diin pa ni De Lima na matibay ang mga ebidensya nito na nagpapatunay na si Pangulong Duterte at kanyang mga opisyal ang nasa likod o humikayat na isagawa ang serye ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga, at mga inosenteng sibilyan kabilang ang mga kababaihan at bata.
Kaugnay nito ay nanawagan si Senator De Lima sa mga mahistrado ng ICC na dinggin ang pagmamakaawa ng mamamayang Pilipino na mahinto na ang walang habas na pagpatay na nagaganap sa bansa at ang mga sangkot dito ay maimbestigahan, malitis at maparusahan.
DZXL558

Facebook Comments