Naniniwala si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na “playing politics” ang ginagawa ng isang prosecutor ng International Criminal Court (ICC) matapos sabihing nakakita ito ng basehan para paniwalaang nagkaroon ng crimes against humanity sa war on drugs ng Duterte Administration.
Ito ang pahayag ni Panelo matapos sabihin ni ICC Prosecutor Fatou Bensouda sa kanyang 2020 Report on Preliminary Examination Activities na ang kanyang opisina ay maaaring humingi ng authorization para magsagawa ng imbestigasyon sa sistema ng hustisya sa Pilipinas.
Tugon ni Panelo, nais lamang ni Bensouda at ng kanyang opisina na sirain ang popularidad at reputasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bahagi lamang aniya ito ng political propaganda laban sa Pangulo, na ‘irrelevant’ at ‘immaterial’ sa Pilipinas lalo na at walang hurisdiksyon ang ICC sa bansa.
Pinayuhan din ni Panelo ang mga kritiko ni Pangulong Duterte na huwag munang magdiwang dahil wala pang conclusive decision sa report ni Bensouda.
Nanindigan si Panelo na hindi sinusuportahan ng pamahalaan ang anumang unlawful act na maaaring magresulta ng pagpatay o karahasan.
Hindi rin pinapayagan ng pamahalaan ang anumang malawakan o sistematikong pag-atake laban sa sinumang sibilyan.
Hinimok naman ni Panelo ang publiko na magsampa ng kaso sakaling nalabag ang kanilang karapatan.
Nagpaalala siya sa ICC na sundin ang complementarity principle at huwag mangialam sa local affairs ng bansa.