Idinepensa nina Senators Kiko Pangilinan at Leila De Lima ang paghahain ng reklamo nina dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio Morales sa International Criminal Court o ICC laban kay Chinese President Xi Jinping.
Ayon kay Pangilinan, ang hangarin na mamagitan na ang ICC ay tugon sa dulot na pinsala sa kalikasan ng patuloy na aktibidad ng China sa West Philippine Sea.
Diin pa ni Pangilinan at De Lima, ito ay para din proteksyunan ang kapakanan ng mga pilipino lalo na ng ating mga mangingisda na palaging ginigipit ng mga Chinese coast guard.
Dagdag pa ni De Lima, dumating na ang panahon para pagbayarin ang Tsina sa kanilang pang-aabuso sa ating karagatan at sa ating mangingisda ng naaayon sa batas.
Pero para kay dating SENATE President Juan Ponce Enrile mas mainam pa rin na daananin sa negosasyon ang isyu natin sa China.
Paliwanag ni Enrile, maaaring humantong ang pakikipagtalo ng Pilipinas sa Tsina sa giyera.
Diin ni Enrile, walang kakayahan ang Pilipinas na makipagdigmaan sa Tsina o i-“exploit” ang West Philippine Sea dahil wala tayong pondo para magsagawa ng pag-aaral kung may deposito ng gasolina o iba pang mineral dito.