
Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na limitado lamang sa witness protection ang kanilang trabaho kaugnay sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sa harap ito ng inaasahang pagtestigo ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Ret. PCol. Royina Garma laban sa dating pangulo sa ICC.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na walang ibang ugnayan ang gobyerno ng Pilipinas at ICC maliban sa pagbibigay ng Witness Protection Program sa mga testigo.
Ayon kay Clavano, kay Garma direktang nakikipag-ugnayan ang ICC pagdating sa mga testimonya at affidavit hinggil sa kaso.
Ito aniya ang dahilan kaya nag-usap sina Garma at ang mga kinatawan ng ICC sa Malaysia matapos na saglit na umuwi sa Pilipinas nitong weekend mula Amerika.
Tiniyak naman ng DOJ ang proteksiyon kay Garma sa ibang bansa at patuloy silang makikipag-ugnayan lalo kung malagay sa panganib ang buhay ng dating opisyal.
Si Garma ang nagbunyag noon sa House Quad Committee na mayroon umanong reward system ang dating administrasyon kaugnay sa inilunsad na kampanya kontra iligal na droga.









