Hinimok ng Human Rights Watch (HRW) ang International Criminal Court (ICC) na ituloy na ang imbestigasyon sa madugong “war on drugs” ng administrasyong Duterte.
Ayon kay HRW Asia Director Brad Adams, taktika lamang ang hiling ng pamahalaan na ipagpaliban ang imbestigasyon upang pabagalin ang hustisya at maprotektahan ang mga opisyal na nasa likod ng mga pagpatay.
Matatandaang sinuspinde ng ICC ang imbestigasyon matapos magpadala ng liham si Philippine Ambassador to the Netherlands Eduardo Malaya noong Nobyembre.
Batay sa liham, sinabi ni Malaya na iniimbestigahan na ng gobyerno ng Pilipinas ang mga kaso ng pagpatay kabilang ang 52 kaso na sinusuri ng Department of Justice (DOJ).
Kasunod nito ay hiningi ng HRW sa DOJ ang mga detalye tungkol sa oras ng imbestigasyon, pangalan at ranggo ng mga sangkot na pulis, at maging ang mga commander nito ngunit hindi tumugon ang ahensya.
Dahil dito, lumakas ang panawagan ang mga biktima at mga abogado nito na ipagpatuloy na ng ICC ang imbestigasyon dahil hindi aniya totoo ang isinasagawang imbestigasyon ng DOJ sa mga operasyon.