Nanindigan ang Office of the Solicitor General (OSG) na hindi kailanman maaapektuhan ng ihip ng pulitika ang posisyong legal ng estado.
Ito’y sa gitna ng pagtrato ng administrasyong Marcos sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban sa dating administrasyong Duterte.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, maaaring magpalabas ng warrant of arrest ang ICC laban sa sinumang kasalukuyan at dating opisyal ng bansa, kung may makitang probable cause.
Pero ibang usapan na aniya ang pagpapatupad nito sa teritoryo ng Pilipinas na hindi na kabahagi ng Rome Statute.
Sabi ni Guevarra, dito na aniya papasok ang halaga ng kooperasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa pagsisiyasat ng ICC.
Nauna nang sinabi ng Pangulong Bongbong Marcos na walang siyang intensyong tumulong sa imbestigasyon ng ICC sa isyu ng drug war ng administrasyong Duterte dahil banta ito sa kasarinlan ng bansa.
Ilang beses na ring nanindigan ang DOJ na umiiral ang sistemang legal sa bansa at may mga korteng humahawak sa mga kasong may kinalaman sa kampanya kontra ilegal na droga.