Nasasaktan daw si Ice Seguerra dahil pinagtatawanan lang ng iba ang apela na magkaroon ng gender-neutral na comfort room sa bansa.
Sa Facebook post ng award-winning singer nitong Sabado, naglabas siya ng hinaing at nakiusap sa mga ‘straight’ at maging sa ilang miyembro ng LGBT+ community na huwag gawing katatawanan ang CR para sa mga transgender.
“It pains me to see posts from friends especially from the LGBTQIA+ community na parang galit pa sa transpeople because we are speaking up about this,” saad ni Seguerra sa post.
“Pinagtatawanan kami, posting memes, and worse, speaking up against supporting the SOGIE Bill kasi hindi naman daw nila naranasan ang diskriminasyon so hindi nila kailangan,” saad niya sa post.
Ipinaliwanag niya na ang isyu ay para sa kanilang hindi pa lubusang nakakapag-transition na madalas ay pinagtitinginan tuwing papasok sa banyo.
Aniya pa, concern ito na hindi lubusang mauunawaan ng mga taong wala sa sitwasyon o hindi nararanasan ang problema.
“Swerte kayo kasi whenever you feel like going to the toilet, you can easily go without people questioning you,” saad ni Seguerra sa post.
Nauna nang naibahagi ng singer ang personal niyang karanasan sa paggamit ng mga pampublikong banyo bilang transman.
BASAHIN: ‘Gusto lang namin magbanyo’: Ice Seguerra, nagbahagi ng personal na karanasan bilang transgender
“Hindi niyo kailangan magpigil uminom ng tubig sa pag nasa labas kasi may trauma ka na magbanyo,” pagpapatungkol niya sa naging karanasan.
“Swerte kayo. Pero hindi lahat swerte. Hindi lahat may boses at impluwensiya kagaya ninyo. Hindi lahat ay kayang tumayo at ipaglaban ang sarili nila. Swerte po kayo. Paano yung mga hindi?”
Hiling lang daw aniya ng trans people ay “malawakang pag-intindi” sa nasabing isyu.
“So to my dearest straight and LGBT+ friends, don’t laugh at us. This issue may not concern you personally but it doesn’t discount the fact that we are here, there’s a lot of us and we go through this everyday,” aniya.