
Tiniyak ng Independent Commision for Infrastructure (ICI) na tuloy-tuloy lang ang ginagawang pagtatrabaho at imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects habang hindi pa ito nabubuwag.
Ayon kay ICI Chairman at Ret. Justice Andres Reyes, sa ngayon ay patuloy na nire-review ng komisyon ang mga kaso habang hinihintay ang desisyon ng Malacañang matapos ang pagsusuri sa 125-day report na kanilang isinumite.
Bagama’t hindi pa malinaw kung kailan maglalabas ng pinal na desisyon ang Palasyo hinggil sa magiging susunod na hakbang para sa komisyon ay hindi umano titigil ang komisyon sa pagiimbestiga sa substandard, ghost at double funding o overpriced na proyekto na ipinatupad ng Department Of Public Works And Highways (DPWH).
Pero aminado naman si Reyes na hindi siya makakakilos bilang chairman ng ICI dahil siya na lamang ang natitirang miyembro nito.
Sa ngayon, hindi pa tiyak kung kailan mabubuwag ang ICI at hindi na nagbigay si Reyes ng pahayag kung kinausap na ito ng Office of the President hinggil sa status ng ICI ngayon.










