ICI, pinabulaanan ang pagkwestiyon ni Davao Rep. Paulo “Pulong” Duterte sa kapangyarihan ng komisyon

Pinabulaanan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagkwestiyon ni Davao Rep. Paulo “Pulong” Duterte sa kapangyarihan ng komisyon.

Sa inilabas na pahayag ni ICI Executive Director Atty. Brian Hosaka, sinabi nitong tuloy lang ang kanilang trabaho hangga’t walang korte na nagdedesisyon na wala nang bisa ang komisyon.

Aniya, malinaw ang mandato ng ICI sa ilalim ng Executive Order No. 94 — imbestigahan ang mga sangkot at panagutin ang mga nasa likod ng maanomalyang proyekto.

Kahapon, sa liham ni Cong. Duterte, tinanggihan niya ang imbitasyon ng komisyon na dumalo sa pagdinig sa paggiit na wala raw sa kaniyang kapangyarihan o hurisdiksyon ang ICI.

Idinagdag niya na propaganda umano ng Pangulo ang komisyon para pahinain o wasakin ang pangalan ng kanilang pamilya para raw sa 2028 presidential, national, and local elections.

Una nang inanunsyo ng ICI na haharap ang kongresista sa kanilang pagdinig ngayong linggo.

Samantala, umaasa ang komisyon na maiimbitahan sina dating Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Ayon kay Commissioner Rogelio Singson, mahirap magrekumenda ng kaso nang hindi binibigyan ng oportunidad ang sinuman para marinig ang kanilang panig.

Facebook Comments