
Sinimulan na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) nitong Linggo ang imbestigasyon sa mga flood control project sa Cebu City.
Ito’y matapos ang naranasang malawakang pagbaha sa lalawigan bunsod ng malalakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Tino.
Personal na pinuntahan ni ICI Special Adviser at Investigator Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang mga istruktura sa Brgy. Tabok at Brgy. Alang-alang, na labis na naapektuhan matapos umapaw ang Butuanon River.
Libo-libong residente ang napilitang lumikas, maraming tahanan ang nasira, at malawak ang naging pinsala sa kabuhayan at ari-arian.
Kasama ni Gen. Azurin sa inspeksiyon sina Public Works Undersecretary Arthur Bisnar, Armed Forces of the Philippines (AFP) Gen. Ariel Caculitan, at Mayors for Good Governance Lead Convenor at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Bumisita rin ang komisyon sa mga flood control structure sa Talisay City, Compostela, at Cebu City bilang bahagi ng mas malawak na pagsusuri.
Ayon kay Gen. Azurin, tuloy-tuloy ang gagawing pagbusisi ng ICI sa lahat ng flood control project upang matiyak ang transparency at mapanagot ang sinumang sangkot sa umano’y anomalya sa mga proyektong ito.









