Thursday, February 5, 2026

ICI-Technical Working Group, kinumpirma ang water assets ng mga sangkot sa flood control project anomalies na natuklasan ng MARINA

Kinumpirma ng Technical Working Group ng Independent Commission for Infrastructure ( ICI) ang natuklasan ng Maritime Industry Authority (MARINA) na water assets ng mga sangkot sa anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Usec. Renato “Aboy” Paraiso, pinuno ng TWG, kabilang sa water assets ang ilang yate at mga bangka na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso.

Sinabi ni Paraiso na ang kabuuang halaga ng water assets ay malalaman pa nila mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Hindi naman binanggit ni Paraiso kung sinu-sino ang mga personalidad na nagmamay-ari ng mga natuklasang water assets.

Ito ay bagama’t kinumpirma nito na konektado ito sa 140 personalidad at sa 350 korporasyon na sangkot sa flood control project scandal.

Samantala, kinumpirma rin ni Paraiso na minamadali na ng Bureau of Customs (BOC) ang proseso ng forfeiture sa mga nakumpiskang luxury vehicles ng mga kumpanya na konektado kay dating Congressman Zaldy Co.

Ang naturang mga sasakyan ay naka-park ngayon sa ICI compound sa BGC, Taguig City.

Facebook Comments