Tumataas ang bilang ng okupadong Intensive Care Unit o ICU beds sa bansa sa kabila ng mababang utilization rate o inilaang kama para sa COVID-19 patients.
Ayon kay Dr. Beverly Ho, Director IV ng Department of Health (DOH)-Health Promotion Bureau, nasa 35 percent ang utilization rate ng nakalaang COVID-19 beds sa buong bansa na itinuturing pang nasa low risk.
Pero kung titingnan ang datos ng mga lugar na binabantayan, makikita na nasa 49 percent ang utilization rate sa Metro Manila habang 65 percent o moderate risk ang ICU beds, at 38 percent ang ginagamit na mechanical ventilators.
Ang Central Visayas naman ay mayroong 47 percent utilization sa COVID-19 beds at 49 percent ang ICU beds.
Sa Davao region, 33 percent ang utilization sa COVID-19 beds at 52 percent sa ICU beds.
Habang pinakamataas sa Cordillera Administrative Region (CAR) na may utilization rate na 56 percent sa dedicate beds at 71 percent sa ICU beds.
Batay sa datos ng DOH nitong Marso 14, may kabuuang 2,089 ICU beds sa buong bansa habang ang dedicated beds ay nahahati sa 17,508 isolation beds, at 9,345 ward beds.
Nasa 2,137 naman ang kabuuang bilang ng mga mechanical ventilators na ginagamit para sa mga pasyenteng nahihirapan huminga.