Magdadagdag ang apat na malalaking ospital sa Metro Manila ng Intensive Care Unit (ICU) beds para sa COVID-19 patient dahil sa tumataas na healthcare utilization rate.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, 240 karagdagang ICU beds ang inilaan sa Lung Center of the Philippines, National Center for Mental Health, East Avenue Medical Center at Quirino Memorial Medical Center na magiging operational ngayong buwan.
Nagdagdag na rin aniya ng 755 ICU beds at 332 isolation beds sa Luzon habang nagdagdag na rin ng 314 isolation beds at 210 ICU beds sa Visayas.
Karagdagang 190 ICU beds naman sa Mindanao at 306 isolation beds.
Tiniyak naman ni Vergeire na naka-prepositioning na rin ang oxygen supplies, procurement ng iba pang kinakailangang logistics at naghahanda ng karagdagang espasyo at tents para sa mga ospital.