IFM DAGUPAN, NAGLUNSAD NG BLOOD DONATION PROJECT SA IKA-73 ANIBERSARYO NG RMN NETWORKS

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-73 anibersaryo ng RMN Networks, pinangunahan ng 104.7 iFM Dagupan ang isang makabuluhang proyekto ng serbisyo publiko na tinaguriang “iFM Mission 2025 Presents: Dugtong-Buhay; Blood Donation Project 2025.”

Idinaos ang aktibidad kahapon sa CityMall Mayombo, Dagupan City, simula alas-nuwebe ng umaga, katuwang ang Region 1 Medical Center. Layunin nitong makalikom ng sapat na supply ng dugo para sa blood bank ng ospital na magsisilbing tulong sa mga pasyenteng nangangailangan.

Ayon sa iFM Dagupan, ang nasabing inisyatiba ay bahagi ng kanilang pasasalamat sa patuloy na suporta ng masang Pilipino sa kanilang musika, entertainment, pagbabalita, at serbisyo publiko mula on-air hanggang online.

Kabilang sa mga naging katuwang at sponsors ng proyekto ang National Grid Corporation of the Philippines, Quinn’s Water Refilling Station, National Irrigation Administration, Tri-M T-Shirt Printing Services, JB Bagoong, at si Manaoag Mayor Jeremy Agerico B. Rosario. Nagbigay-suporta rin ang RMN Foundation at pamunuan ng CityMall Mayombo.

Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, muling pinagtibay ng RMN at iFM Dagupan ang kanilang pangakong hindi lamang maghatid ng impormasyon at aliw, kundi higit sa lahat ay magbigay ng konkretong tulong para sa kapakanan at kaligtasan ng bawat Pilipino. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments