Manila, Philippines – Iginagalang daw ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang resulta sa inilabas na Global Index 2018 ng International Trade Union Confederation tungkol sa malalang sitwasyon ng sektor ng paggawa sa Pilipinas.
Gayunman, iginiit ni Labor Sec. Silvestre Bello III na walang basehan ang kanyang tanggapan para sang-ayunan ang datos ng ITUC.
Base kasi sa tala, pasok ang Pilipinas sa top 10 na mga bansa sa buong mundo na mapanganib umano para sa mga manggagawa dahil na rin sa nararanasang pananakot sa mga empleyado.
Kasama rin sa listahan ang Algeria, Bangladesh, Cambodia at Kazakhstan.
Sabi pa ni Bello – umaayos na ang sitwasyon ng Labor Sector sa bansa dahil natutugunan ng pamahalaan ang hinaing ng mga manggagawa.
Kasabay nito, ibinida ng kalihim ang pagbaba ng unemployment rate, paglagda sa Executive Order kontra ENDO at kampanya kontra sa mga employers na nagpapatupad na iligal na kontraktwalisasyon.