IGINIIT | AFP, naniniwalang Abu Sayyaf ang nasa likod ng pagsabog sa Lamitan City, Basilan na ikinamatay ng 11 tao

Miyembro ng Abu Sayyaf Group ang suspek sa pagpapasabog ng Improvised Explosive Device (IED) na nasa loob ng van sa Lamitan City, Martes ng umaga kung saan 11 ang nasawi at pito ang sugatan.

Ito ang kinumpirma ni AFP Spokesperson Colonel Edgard Arevalo kaya malabo pa aniyang masabi sa ngayon na suicide bomber ang suspek.

Ayon kay Arevalo, posibleng nag-panic ang suspek na driver ng van dahil sa naharang ito sa checkpoint kaya aksidenteng napindot nito ang triggering device.


Ang suspek aniya na nasawi rin sa pagsabog ay tauhan ni ASG lider Furuji Indama na nag-ooperate sa Basilan.

Sabi ni Arevalo, bago pa mangyari ang pagsabog ay may mga intel report na silang natatangap na magpapakalat ng IED ang ASG kaya mas naging alerto ang kanilang hanay.

Naniniwala naman ang AFP na maaring nais lang ng grupo ni Indama na magparamdam at masabing malakas pa ang kanilang pwersa kaya gumagawa ng ganitong mga karahasan.

Patuloy namang inaalam ng AFP kung anong uri ng pampasabog ang ginamit ng ASG at sangkap nito.

Facebook Comments