Kapwa hindi tutulugan ng militar at pulisya ang pagbabantay sa buong bansa hindi lang ngayong Kapaskuhan kung hindi maging hanggang sa pagpasok ng bagong taong 2019.
Ito ang inihayag ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa harap na rin ng bantang opensiba ng CPP-NPA kasunod ng muling pagpapalawig ng martial law sa Mindanao
Ayon kay AFP Chief Lt/Gen. Benjamin Madrigal, bagaman at hindi na bago sa kanila ang bantang ito ng mga komunista, hindi naman sila magpapaka-kampante lalo at aminado siyang may tagasunod pa rin sila CPP Founder Joma Sison.
Malaking tulong aniya ang idineklarang National Task Force ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa katuwang nila ang iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno para matugunan ang problema ng bansa sa insurgency.
Nanawagan naman si PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde sa publiko na manatiling mapagbantay sa sitwasyon lalo at isang kasinungalingan lamang kung maituturing ang idineklarang ceasefire ng CPP-NPA.