Manila, Philippines – Hindi kontra ang isang consumers group sa ibinigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang pisong taas sa pamasahe sa public utility jeepneys.
Ayona kay RJ Javellana Jr, presidente ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), noong Oktubre pa ng nakaraang taon nakasalang ang fare petition ng mga tsuper at operator ng jeepney.
Pero, ngayon aniya ay marami ng nagbago kasunod ng ipinapataw na excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.
Aniya, ang maliliit na sektor ang sapul dito dahil sa naipapasa sa pasanin ng mga consumers at commuters ang patong na buwis.
Dapat aniya na magkaisa ang mga commuters at ang sector ng transportasyon na kalampagin ang gobyerno at suspindihin na ang excise tax sa produktong petrolyo sa TRAIN law.
Kung mangyari aniya ito ay wala nang hihirit pa ng dagdag singil sa pamasahe.