Manila, Philippines – Pinabulaanan ni Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano ang mga paratang na walang ginagawa at nagpapabaya ang gobyerno sa isyu tungkol sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa pagdinig ng Special Committee on West Philippine Sea sa Kamara, iginiit ni Cayetano na tahimik nilang tinatrabaho ang pag protekta ng bansa sa West Philippine Sea alinsunod sa polisiya ni Pangulong Duterte na huwag itong daanin sa microphone diplomacy o sigawan laban sa China.
Aniya, maingat, praktikal at mapasensya ang diskarte ng pamahalaan sa paglutas sa problema ng bansa kaugnay sa pinag-aagawang teritoryo.
Ipinakita pa ni Cayetano sa komite ni Quezon City Representative Sonny Belmonte ang mga kopya ng protesta ng Pilipinas sa China kung saan tinututulan ng bansa ang militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Malinaw din sa China na hindi papayag ang Pilipinas na pakawalan ang claim nito sa pinag-aagawang teritoryo.
Sa katunayan aniya ay kumikilos na ang gobyerno para i-recover ang bahagi ng Pagasa island kung saan maglulunsad ng agricultural programs doon ang Department of Agriculture (DA).