Binara ng Palasyo ng Malacañang ang alegasyon ni Senador Antonio Trillanes IV na patungo sa direksyon ng revolutionary government ang nangyayari sa kanya.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na kasama sa delegasyon ng Pangulo sa Kindom of Jordan, ang revolutionary government ay para lamang sa mga pinuno ng bansa na walang constitutional mandate.
Paliwanag ni Roque, si Pangulong Duterte ay inihalal ng taumbayan kaya malinaw na constitutional ang kanyang pag-upo bilang presidente ng bansa.
Sa pagdulog naman ni Trillanes sa Korte Suprema ay sinabi ni Roque na malaya naman ang sinuman na gamitin ang lahat ng legal remedies para sa kanyang kinakaharap na kaso.
Matatandaan na binawi ni Pangulong Duterte ang amnesty na ibinigay kay Trillanes na siya namang pinaghuhugutan ngayon ng mga banat ng senador sa administrasyon.