IGINIIT | DOTr, nanindigang hindi na pwedeng pumasada ang Angkas

Manila, Philippines – Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na hindi na maaring pumasada ang motorcycle-hailing app na ‘Angkas’.

Ito ay dahil umiiral ang utos ng Korte Suprema na pigilan ang operasyon nito.

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade – paghuhulihin ang mga lalabag na Angkas riders.


Aniya, hindi dapat nilalabag ng Angkas ang batas maging ang kautusan ng Kataas-Taasang Hukuman.
Iginiit pa ng kalihim – igalang din sana ng Angkas ang desisyon ng Korte Suprema tulad ng pagrespeto ng ahensya sa paglalabas ng korte ng Temporary Restraining Order (TRO).

Ani Tugade, dapat pa ring manaig ang rule of law.

Hindi rin pwedeng gamitin ang motorsiklo bilang mode of transport dahil na rin sa madalas itong nasasangkot sa aksidente.

Sa mga lalabag, pagmumultahin ang mga ito ng ₱6,000, impound ang kanilang sasakyan sa loob ng tatlong buwan at malalagay sa blacklist sa pag-secure ng prangkisa sa LTFRB.

Nitong December 5, nag-isyu ang Korte Suprema ng TRO upang pigilan ang utos ng Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) sa LTFRB na huwag ihinto ang Angkas operations.

Facebook Comments