Manila, Philippines – Iginiit ng isang mambabatas na pampahupa lamang sa galit ng publiko ang pinirmahang Executive Order o EO ni Pangulong Duterte para ipahinto ang endo.
Ayon kay Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, may kaugnayan lamang sa pagbabawal sa labor only contracting ang pinirmahan ng Pangulo na nakasaad na rin sa labor code.
Aniya, walang silbi ito dahil ang kailangan ay polisiya na magbabawal sa anumang uri ng job contracting.
Sinabi naman ni Anak Pawis Representative Ariel Casilao na ang kailangan ng mga manggagawa ay ang tuluyang pagbabawal sa kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng direct hiring.
Kung may papayagan na kontraktwalisasyon ito ay dapat limitado lamang sa mga seasonal at project based work at mahigpit na ipagbabawal ang muling pagkuha sa empleyado ng kaparehong principal employer.