Manila, Philippines – Magreresulta sa napakalaking pagkalugi at malawakang pagkawala ng trabaho sa sandaling ipatutupad na ang panukalang Tax Reform for Attracting Better and High Quality Opportunities o TRABAHO.
Ayon kay Ed Cutiongco, Vice President ng Petroleum Association of the Philippines (PAP), na ang TRABAHO ay binago lamang ang pangalan ng TRAIN 2 Law na magdudulot ng kawalang katiyakan na hanay ng mga mamumuhunan at prospective investors.
Sa ginanap na forum sa Kapihan sa Manila Bay sinabi ni Cutiongco na bagaman layon ng TRABAHO Law na kumita ang pamahalaan ngunit ang pagtanggal ng tax incentives ang magpapaalis sa mga dayuhang investor.
Malala rin aniya ang epekto ng TRABAHO Law sa sektor ng enerhiya hindi lamang sa tinanggal na tax and import duties incentives kundi dahil sa epekto nito sa polisiyang pinaiiral na negosyo at pagpasok ng mga investment.
Pinawalang-bisa na rin aniya ng TRABAHO Law ang probisyon sa Presidential Decree 87 na nagtatakda ng insentibo sa oil and gas contractors.
Itataboy din aniya ng TRABAHO Law ang mga investors upang huwag na maglagay ng puhunan sa industriya ng oil at gas.