Manila, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na hindi papatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pardon ang tatlong pulis na hinatulang guilty ng Caloocan City RTC Branch 125 sa kasong pagpatay sa 17-anyos na si Kian Lloyd Delos Santos.
Batay sa 35-pahinang desisyon ni RTC Judge Rodolfo Azucena, sinintensyahan nito ng reclusion perpetua o 40-taon hanggang habambuhay na pagkakakulong sina PO1 Jeremias Pereda, PO1 Jerwin Cruz at PO3 Arnel Oares para sa kasong murder na inihain ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ipa-pardon lamang ni Pangulong Duterte ang mga pulis o sundalong tumutupad lamang sa kanilang tungkulin, pero hindi kasama ang mga umaabuso at lumalabag sa batas.
Pinatunayan din aniya ng hatol na guilty laban sa tatlong pulis Caloocan na gumagana ang justice system sa bansa.
Habang sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagpapatunay na mali ang mga haka-hakang nagkakaroon ng “culture of impunity” sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Pero, para kay Senadora Riza Hontiveros, ang pinatunayan ng kaso ni Kian ay totoong nangyayari ang extra judicial killing sa ilalim ng administrasyon Duterte.
Magsilbing aniya inspirasyon ang kaso ni Kian sa mga kaanak ng biktima ng EJK para lumaban.