Manila, Philippines – Hindi obligado si dating First lady at Ilocos Norte Representative Imelda Marcos na humarap o magpunta sa Sandiganbayan para makapaglagak ng pyansa.
Ayon sa Sandiganbayan, 5th Division, maaaring magtungo sa husgado ang kinatawan ni ginang Marcos para maglagak ng P300,000 na pyansa para sa kanyang post-conviction remedies.
Ang nasabing halaga ay upang pansamantalang makalaya ang dating unang ginang habang dinidinig ang apela nito.
Magugunita na sa naging kautusan ng 5th Division ng anti-graft court, kinatigan nito ang Motion for Leave to Avail Post Conviction Remedies na inihain ng akusado gayundin ang pagpayag na makapag-pyansa ito.
Samantala, noted lamang ang naging tugon ng anti-graft court sa inihaing Notice of Appeal ni Marcos noong nakalipas na linggo dahil sa pagiging pre-mature.
Kanina naman ay nagtungo sa Sandiganbayan ang isa sa mga abogado ni Marcos upang alamin ang mga kailangang requirements para ma-avail nito ang post-conviction remedies na inaprubahan ng korte noong nakalipas na linggo.