Manila, Philippines – Iginiit ni Caloocan Representative Edgar Erice na patay na ang isinusulong na cha-cha sa bansa matapos mabahiran ng kalaswaan ang interpretasyon sa pederalismo.
Ang reaksyon ay kasunod ng “i-pederalismo dance video” na ginawa ni Assistant Secretary Mocha Uson at Drew Olivar na umani ng pagbatikos sa social media.
Ayon kay Erice, dapat pa ngang pasalamatan si Uson dahil nakabuti pa ito sa bansa matapos na maipakita ang kahinaan ng isinusulong na federalism ng Duterte Administration.
Ipinapakita lamang ng “i-pederalismo dance video” na maging ang mga opisyal ng Malacañang ay walang alam sa federalismo kaya gumagawa na lamang ng gimik para maibenta sa publiko ang pag-amyenda sa konstitusyon.
Sinabi naman ni Ifugao Representative Teddy Baguilat na kabastusan at kababawan ang ginawa nila Uson sa Malacañang dahil sa “baboy” na paraan ng pagpapaliwanag sa napakahalagang usapin ng bansa.