Manila, Philippines – Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na artificial lamang ang nararanasang kakapusan ng supply ng bigas sa bansa.
Ito ang sinabi ng Pangulo sa harap na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado sa kabila ng pagpasok ng supply ng NFA rice.
Sinabi ni Pangulong Duterte na ang kakapusan ng supply ng bigas ay resulta lamang ng manipulasyon ng mga negosyante dahil mayroon namang tamang supply ng bigas ang bansa.
Paliwanag ng Pangulo, aabot sa 4.8 metric tons ng bigas ang mayroon ang Pilipinas at patuloy din ang pag-angkat ng bigas sa ibang bansa.
Ang problema aniya ay hindi inilalabas ng mga negosyante ang mga bigas sa kanilang mga bodega kaya naman sinabi ng Pangulo na huwag siyang pilitin ng mga rice traders na gumamit ng dahas para lamang mailabas mula sa mga bodega ang maraming supply ng bigas.