IGINIIT | Kongreso, dapat na umanong manindigan sa pagbawi sa suspensyon ng excise tax sa langis

Manila, Philippines – Nanawagan si Senator Bam Aquino sa Kongreso na gumawa na ng hakbang upang mapigilan ang pagpapatupad ng dagdag buwis sa langis sa pagpasok ng 2019.

Kasunod na rin ito ng nakatakdang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng Development Budget Coordinating Committee na bawiin na ang naunang rekomendasyon na suspindihin ang excise tax sa fuel sa susunod na taon bagkus ay ituloy na ang pangongolekta nito sa 2019.

Sa interview ng RMN Manila kay Aquino, dapat nang manindigan at ipakita ng Kongreso ang kanyang pagiging “independent” para sa taong-bayan.


Ayon sa senador, may oras pa ang Senado at Kamara para maihabol ang paghahain ng panukalang batas para baguhin ang nilalaman ng TRAIN Law o isulong ang bawas presyo bill sa petrolyo.

Nangangamba si Bam sa posibilidad na tumaas muli ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa muling pagsirit ng presyo ng langis sa merkado, bukod pa ang magalaw na presyuhan nito sa world market.

Sakaling ipatupad ang excise tax sa langis sa 2019, nabatid na 2020 pa ito maaaring bawiin.

Facebook Comments