Manila, Philippines – Walang nakikitang pangangailangan si Liberal Party o LP President Senator Kiko Pangilinan para palawigin pa ang martial law na umiiral sa buong Mindanao.
Punto ni Pangilinan, malinaw na hindi napigilan ng martial law ang mga insidente ng pagpapasabog sa rehiyon kung saan pinakahuli ay naganap sa Sultan Kudarat na ikinasawi ng tatlo katao at mahigit 30 ang nasugatan.
Bunsod nito ay ikinatwiran ni Pangilinan, na walang katiyakan na mapipigilan ng extension ng batas militar ang pambobomba sa hinaharap.
Diin ni Pangilinan, ang kailangan ay isang no-nonsense police work para maparusahan ang mga nagkasala.
Dagdag pa ni Pangilinan, kung kinakailangan ay makabubuting ipatawag ang sandatahang lakas para mapagtuunan ng pansin itong mga lumalabag sa batas nang hindi kinakailangan ang deklarasyon ng batas militar.
Iginiit din ni Pangilinan na hindi rin sagot ang martial law sa mga tinatamaan pa rin ng gutom dahil sa krisis sa bigas at mataas na presyo ng mga bilihin.