Manila, Philippines – Iginiit ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon ang pagsailalim sa lifestyle check ng mga opisyal at empleyado ng mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa road right-of-way payment.
Kabilang sa mga ahensyang ito ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Budget and Management (DBM) at Land Registration Authority (LRA).
Ang hirit ni Gordon ay kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng kanyang komite ukol sa 8.7-billion pesos na road right-of-way payment scam.
Sa pagdinig ng Senado ay nabunyag ang maanumalyang pagkubra ng P255.55-million mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng titulo ng lupa ng ilang lugar sa General Santos City na dinaanan ng mga pinatayong kalsada at iba pang proyektong pang-imprastraktrua ng pamahalaan.
Una ng kinalampag ni Senator Gordon ang National Bureau of Investigation (NBI) at Phlippine National Police (PNP) para paigitingin ang paghahanap kay Nelson Tin, na sinasabing financier ng sindikatong nasa likod ng nabanggit na modus operandi.
Si Nelson Ti ay ilang beses ng ipinatawag sa pagdinig ng Senado pero hindi sumipot.