Manila, Philippines – Muling iginiit ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency na dapat pa ring ipursige ang panukalang Drug Testing sa mga estudyante at guro sa kabila ng mga kontrobersiya sa panukalang ito.
Gaya ng unang paliwanag ni PDEA Director General Aaron Aquino, pangunahing layunin nito na malaman ang lawak ng ‘drug use’ sa mga estudyante mula sa Grade 4, mga guro at personnel sa mga pribado at pampublikong paaralan.
Sabi pa ni Aquino na nais nilang palawigin ang panukala na sa halip na random drug testing ay gawin itong mandatory sa lahat ng eskwelahan sa buong bansa.
Batay aniya sa mga pag-aaral, lumalabas na ang ilang factors gaya ng pagiging mausisa, pagkabagot ang mga dahilan kung bakit posibleng maimpluwensiyahan ng iligal na droga ang mga menor de edad o kabataan.
Paglilinaw naman ng opisyal na walang intensyon ang PDEA na maging banta sa kaligtasan at karapatan ng mga estudyante, subalit may ‘Moral Obligation’ aniya ang ahensya na proteksyunan ang mga ito laban sa salot na droga.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Education sa panukalang Mandatory Drug Testing dahil aabot sa bilyong piso ang kakailanganing budget para dito habang ang ibang grupo naman ay nangangamba dahil malalabag nito ang privacy at dignidad ng mga batang mag-aaral.