Manila, Philippines – Premature o masyado pang maaga ang pagbabato ng batikos sa mga nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ito ang sinabi ni Senator Panfilo Lacson, kaugnay sa mga kritiko ng pamahalaan, na nagsasabing ipinamigay na ang Pilipinas ang West Philippine Sea sa China, sa naging pagbisita ni Chinese President Xi Jinping dito sa bansa.
Ayon kay Lacson, walang basehan ang mga batikos, dahil hindi pa man nakikita ang nilalaman ng mga kasunduang nilagdaan, ay mayroon na agad konklusyon na dehado ang Pilipinas.
Makabubuti aniya na basahin muna ang nilalaman ng mga dokumento na nilagdaan ng department heads at cabinet secretaries ng bansa, bago magpahayag ng opinyon.
Matatandaang nasa 29 na kasunduan ang nalagdaan sa pagitan ng Pilipinas at China nitong nakaraang linggo, kung saan kabilang dito ang Memorandum of Understanding (MOU) sa oil and gas development ng dalawang bansa.