Manila, Philippines – Iginiit ni Senadora Grace Poe na isama sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang mga mahihirap na biktima ng kalamidad.
Ayon kay Poe, dapat limang porsyento o tinatayang 50,000 sa kabuuang bilang ng mga nakikinabang sa 4Ps taun taun ay kunin sa mga mahihirap na nabibiktima ng kalamidad.
Katwiran ni Poe, mas mainam na gawing regular, organisado at fixed ang time-frame ng ayuda sa mga ito kaysa bigyan sila ng groceries paminsan-minsan.
Pero sabi ni Poe, dapat linawin sa mekanismo ang magiging hangganan ng pakikinabang sa 4Ps ng mga maralitang magdurusa pa dahil sa mga kalamidad na nananalasa sa bansa.
Para sa taong 2019 ay umaabot sa P88 billion ang inilaan para sa 4Ps na tinatawag din conditional cash transfer program.