Manila, Philippines – Hindi papayagan ng Commission on Elections (COMELEC) na maupo sa pwesto sa June 30 ang mga nanalong kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na may nakabinbing petition for disqualification o petisyon para makansela ang kanilang kandidatura.
Inihayag Ito ni COMELEC Spokesman Director James Jimenez dalawang linggo bago magsimulang manungkulan ang mga bagong-halal na opisyal sa Barangay at SK.
Ayon kay Jimenez, batay sa COMELEC Resolution Number 10196, ang kandidato sa SK ay hindi dapat bababa sa labing walong taong gulang at hindi rin lalagpas sa dalawamput apat na taong gulang noong araw ng eleksyon.
Base na rin aniya sa naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Garvida versus Sales Jr., ang isang taon ay katumbas ng 365 araw at nangangahulugan na hindi dapat lalagpas ng kahit isang araw sa edad na 24 ang isang kandidato sa SK.
Samantala sa ilalim naman ng Local Government Code of 1991, pinapatawan ng disqualification na tumakbo sa halal na posisyon ang sinuman na napatalsik sa pwesto dahil sa kasong administratibo.
Hindi rin papayagan na maupo ang mga halal na lokal na opisyal na nakapagsilbi na ng tatlong magkakasunod na termino sa posisyon.