Nagpaliwanag ang NDRRMC sa tila mabagal na pagpapalabas nila ng official casualty figures sa bagyong Ompong.
Binigyang diin ni NDRRMC Spokesman Edgar Posadas na mayroon silang sinusunod na “management of the dead and missing” guidelines kaya hindi agad-agad sila makapag-release ng mga reports.
Kasabay nito binigyang diin ni Posadas na hindi nila dini-dispute ang mga pigura na inaanunsyo ng iba’t-ibang tanggapan.
Mayroon aniyang basehan ang mga ito, partikular ang mga reports na nanggagaling sa ground.
Sa panig lang aniya ng NDRRMC, ang mga reports na natatanggap nila ay kailangan dumaan sa proseso ng validation at confirmation.
Ibig sabihin aniya ang mga report ng mga pulis at LGUs on the ground ay itinuturing na validated report, pero kailangan pang makita ng doktor ng DOH ang bangkay para kumpirmahin na ito ay namatay dahil sa bagyo.
Sa oras lang na magawa ang dalawang bagay na ito ay saka lang isusumite sa DILG para mapasama sa opisyal na bilang at saka naman i-re-release ng NDRRMC.