Manila, Philippines – Iginiit ni Makati City Rep. Luis Campos na gagastos ng bilyun-bilyong halaga ang mga telecommunications company para mapalakas ang internet speed sa bansa.
Sa tantya ng mambabatas, asahan na aniya ang paggastos ng P180 Billion kada taon ng PLDT, Globe at Mislatel Consortium para sa pagtatayo ng telecom infrastructure.
Paliwanag pa ni Campos, sa pagpasok ng ikatlong major player ay mapipilitan ang dalawang telco na pagandahin ang serbisyo at kapasidad para idepensa ang market shares bago pa man magsimula ang operasyon ng Mislatel.
Batay sa research note ng online stockbroker na COL Financial Group Incorporated, may kakayahang pinansyal ang Mislatel para makipagsabayan kung saan ang foreign partner na China Telecom ay kumita na ng P146 Billion noong 2017 pa lang.
Una nang nangako ang Mislatel na mag-iinvest ng P257 Billion mula 2019 hanggang 2023 at magbibigay ng 84% na network coverage sa buong bansa.
Malaki naman ang tiwala ng kongresista na kayang pantayan ng Pilipinas ang average internet speed ng South Korea ngayong mas tumindi na ang kompetisyon sa industriya ng telecommunications.
Inaasahan na sa loob ng 18 buwan ay maaaring tumaas sa 25 Mbps ang internet speed sa mobile phones o limang beses na mas mabilis kumpara sa kasalukuyan.