IGINIIT | Pagbawi sa amnesty ni Sen. Trillanes, paghihiganti ni PRRD

Manila, Philippines – Iginiit ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano na paghihiganti ang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amnestiya na iginawad kay Senator Antonio Trillanes IV.

Kasabay nito ay mariing kinukundena ni Alejano ang hakbang ni Pangulong Duterte na layon aniyang patahimikin ang mga kritiko ng pamahalaan.

Wala aniyang malinaw na basehan ang gobyerno ngayon para arestuhin muli si Trillanes dahil nabigyan na ito ng amnestiya noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino matapos nitong manguna sa Oakwood Mutiny noong panahon naman ni dating Pangulong Gloria Arroyo.


Sinabi ni Alejano na inaasahan na nila ang mga pwedeng gawin ng administrasyong Duterte kung saan maging siya mismo ay maaaring arestuhin muli.

Aniya, hinahanapan talaga ng paraan ng gobyerno para patikumin ang mga kritiko ng administrasyon tulad na lamang ng ginawa kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na pinatalsik sa pwesto sa pamamagitan lamang ng quo warranto.

Ngayong araw ay mag-uusap ang mga myembro ng Magdalo upang pag-aralan ang susunod na hakbang ng grupo.

Facebook Comments