Manila, Philippines – Iginiit ng isang power consumers group ang paghahanap ng ibang electric service provider dahil sa sobrang singil sa konsumo sa kuryente.
Kasunod ito ng survey ng Pulse Asia na nagpapakita na 82% o mayorya ng mga Pilipino ang pabor na magkaroon ng bagong electric utility sa National Capital Region na matagal nang umaasa sa power distribution ng Meralco.
Ayon sa People 4 Power Coalition convenor Director Gerry Arances,kung pagbabatayan ang resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia, panahon na para bigyang pansin ng ‘policy makers’ ang mataas na presyo at maruming kalakaran sa energy sector ng bansa.
Sa datos na iprinisenta sa press conference ni Dr. Ana Tabunda ng Pulse Asia, Lumilitaw na 84% ng mga Pinoy ang dismayado sa mataas na singil sa kuryente ng nabanggit na power company.
Kaugnay nito, sa nakalipas na dalawang buwan, nagpatupad ng taas singil ang Meralco sa kanilang distribution charges na mai-uugnay sa kanilang pinasok na power supply agreements na nakaapekto sa generation charge.
Nanindigan ang coalition na hindi nila tatantanan ang Meralco at iba pang industry players mula sa anila’y hindi patas at kwestiyonableng serbisyo sa mga household sa Greater Manila Area.