IGINIIT | Pagpapatupad ng moratorium sa utang ng mga magsasaka, hiniling sa Kamara

Hiniling ni Anakpawis Representative Ariel Casilao sa gobyerno na magpatupad na muna ng moratorium sa paniningil sa utang ng mga magsasaka partikular na ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Ompong.

Ayon kay Casilao, base sa record ng Department of Agriculture (DA) lumalabas na mahigit P14 Billion ang halaga ng pinsalang naidulot ng bagyong Ompong sa agrikultura kung saan 40% ng nasirang palayan ay sa Cagayan Valley, Cordillera, Ilocos, Central Luzon at Calabarzon.

Partikular na ipinapanawagan ni Casilao ang pagpapatupad ng moratorium sa Land Bank at Development Bank of the Philippines na karaniwang nagpapa-utang sa mga magsasaka.


Nanawagan din ang kongresista sa mga private creditors na sumunod sa oras na magpatupad ng moratorium bilang tulong sa mga magsasakang bumabangon muli pagkatapos ng kalamidad.

Iginiit ni Casilao na sa ganitong sitwasyon ay hindi muna dapat pinipilit ang mga magsasaka na magbayad ng kanilang utang.

Pinaaagapan din ng kongresista sa pamahalaan ang epekto ng bagyo sa suplay ng bigas lalo pa at pangunahing rice producer ng bansa ang sinalanta ng bagyong Ompong.

Facebook Comments