Manila, Philippines – Iginiit ni Liberal Party o LP President Senator Kiko Pangilinan kay Pangulong Rodrigo Duterte na pakilusin sina Finance Secretary Sonny Dominguez, NEDA Secretary Ernesto Pernia at DTI Secretary Mon Lopez na pawang bumubuo sa NFA council.
Diin ni Aquino, makabubuting sibakin na ng Pangulo si National Food Authority o NFA Administrator Jason Aquino at ipasa ang trabaho sa NFA council para resolbahin ang problema ngayon sa suplay at presyo ng bigas.
Para kay Pangilinan, hindi sapat na inspeksyunin at salakayin ang mga warehouse ng bigas dahil ang problema ay resulta ng kapalpakan at katiwalian sa NFA.
Paliwanag ni Pangilinan, ang ugat ng suliranin ay ang liderato ng NFA na posibleng nagbigay din kay Pangulong Duterte ng mali-maling impormasyon.
Ayon kay Pangilinan, dapat ay mas pinakinggan ni Pangulong Duterte si Cabinet Secretary Leoncio Evasco na sinusubukang malutas ang problema sa bigas.
Sabi ni Pangilinan, mas pinili ni Pangulong Duterte na pakinggan ang hepe ng NFA na siya umanong may kasalanan kaya lumala ngayon ang problema sa bigas.