Manila, Philippines – Suportado ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagtatakda ng pamahalaan ng Suggested Retail Price o SRP sa lokal at imported na bigas sa buong bansa.
Pero sa tingin ni Gatchalian, hindi ito sapat para mapababa ang presyo ng bigas.
Naniniwala si Gatchalian na ang SRP program at pagpaparusa sa mga lalabag dito ay pansamatala o stop-gap measure lamang.
Giit ni Gatchalian, dapat ay permanenteng solusyon ang ilatag ng gobyerno tulad ng agarang implementasyon ng rice tariffication bill kapag ito ay naisabatas na.
Kaugnay nito ay umapela din si Gatchalian sa mga kasamahang mambabatas na ipasa na ang rice tariffication bill na magbibigay ginhawa sa mga nagugutom nating kababayan at magpapahinto din sa pananamantala ng ilang rice traders at retailers.