Davao City – Handang bumaba sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte kung mapapatunayan daw na totoo ang Diyos.
Sa kaniyang talumpati sa selebrasyon ng National Science and Technology week sa Davao City, sinabi ng Pangulong Duterte na agad siyang bababa sa pwesto kung may magsasabi sa kaniya ng kahit sinong tao na nakausap na niya ang Diyos.
Iginiit din ng Pangulo na hindi niya sinabi na hindi siya naniniwala sa Diyos pero may ibang bagay daw na siyang kumokontrol sa buhay.
Bukod dito, kinuwestiyon din ni Duterte ang mga ginagawang tulong ng ibang relihiyon partikular sa mga mahihirap.
Ito ang naging pahayag ng Pangulong Duterte ilang araw bago ang nakatakda nitong pakikipag-dayalogo kay Catholic Bishops Conference of the Philippines President Davao Archbishop Romulo Valles sa July 9 para ayusin ang gusot ng gobyerno sa simbahan Katoliko at sa iba pang grupo ng mga Kristiyano.